Poetry (Filipino)

Pagkawala ng tahanan

Sa aking pagtanda sinabi sa akin na
“Sa tahanan nagsisimula ang pagmamahal”
Tahan ang salitang ugat ng tahanan
Na nangangahulugan pagtigil ng pag-iyak
Yan ang aking natutunan noong ako’y elementarya
Na sa paglakad pauwi
Palapit nang palapit mapapawi ang kalungkutan at pighati

Pero paano kung ang tahanan ay naging lugar nalang
Kung saan pinapalipas mo lang ang araw at gabi
Na napundi na ang ilaw ng pag-asa
Dahil sa pagpatay at pagsindi
Paano kung ang tahanan ay naging bahay nalang
Kung saan hindi mo na ramdam ang pagmamahal
Na hindi mo na ito mahaplos
Na hindi ka na niya mayapos
Na ang pagbuhos ng luha ay sa tahanan na mismo nagsisimula
Nawalan na ng kahulugan ang salitang tahan
Nawalan na ng buhay
Nawalan ka ng lugar na matutuluyan

Nagsilbing rehas ang bawat sulok ng kwarto
Na hindi mo na maaninag ang mga positibo
Naririnig mo na ang mga bulong ng demonyo
Wag kang magpapatalo
Alam kong nasanay ka na rito

Naiintindihan ko ang iyong pagdadalamhati
Naiintindihan ko ang iyong paghihirap
Napagdaanan ko narin ito
Wag ka mag-alala kaibigan hindi ka nag-iisa
Sa mga istoryang tinatahak mo

Alam kong
Binigo mo siya at Binigo ka rin nila
Iniwan mo siya at Iniwan ka rin nila
Alam kong nagkulang sila
Pero tandaan mong nagkulang ka rin para sa kanila.
Buksan ang iyong isipan
Lahat tayo nahihirapan

Kaya tayo ito naggagala
Kumakatok sa mga bahay, nagbabakasakali.
Mahanap ang mga tahanang nakalaan para sa atin
Hindi sala maghanap ng panibagong mapagpapahingahan
Hindi sala kumawala
Hindi sala lumipat kung saan ka sasaya
At kailanman hinding hindi magiging sala
Mag hanap ng tahanan sa iba

At kung minalas
Na hindi pinalad mahanap ang tahanan
Wag tumulad, Na aking nakalimutan
Ang salitang tahan ay pagtigil sa pag-iyak lamang
At hindi sa paglaban.
Pasensiya hindi ko kinaya ngayong araw.
Pagkatapos mong basahin ito
Wala ka nang makikitang liwanag sa mga mata ko.

– Kaibigan,
Wag ka mag-alala pangako hindi ka matutulad sa sinapit ko
Dahil makakahanap ka ng tahanang matutuluyan.

(Nag sisilbing paalala sa mga taong nawalan ng pag-asa)
12/23/18

Bakit List

Madalas ako pumupunta sa simbahan
At walang tigil sinasabi sa akin ng pari
Na ang lahat ng tanong
Mayroong kasagutan
Tulad ng bakit bilog ang mundo
Bakit pa tayo pinanganak dito
Bakit ganito ang ating mga itsura
Bakit may mga maitim
Bakit may mga pango
Bakit ang pangit-pangit ko
Ito ang mga katanungan bumabalot sa aking isipin
Noong ako’y sangol pa lamang

Sa pagtanda ito parin ang aking pinang hahawakan
Ang mga katagang ito ay aking prinsipyo
“Lahat ng tanong may kasagutan”
Pero sabi nga nila mapupuno ng pagdududa
Mapupuno ng walang kasiguraduhan ang mga paniniwala
Binigyan ako ng pagsubok ng Diyos.

Nagbabadyak ang araw ng iyong paglisan
Kung kailan ang puso mo’y naging galit
Naging mapagkimkim
Naging hindi marunong mag patawad, nanunumbat
Napagod umintindi
Napagod magpaliwanag
Pumunta ulit ako kung saan ako unang naniwala
Nagtanong ako sa Diyos

Bakit siya nagbago
Bakit siya nagsawa
Bakit siya napagod
Bakit hindi niya na ako mahal
Bakit may iba na siyang mahal
Hindi ko rin alam kung bakit ko tinatanong ang Diyos
Sa haba-haba ng ginogoogle ko sa simbahan
Wala man lang bulong.
Wala man lang sulyap ng mga kasagutan
Basta kailangan ko ng paliwanag
Kailangan ko ng sagot sa aking mga katunungan.

Dumating ang araw nagkaroon ng lakas ng loob
Makipagkita sayo
Alas sais ng gabi
Sa paglubog ng araw
Nagkita tayo sa tuktok ng bundok
Umagos ang mga Bakit
Bumuhos ang luha
Tinanong kita habang humikhibi
Bakit hindi ka na sumasagot sa mga tawag ko
Bakit ayaw mo na akong makita
Bakit mo ako iniwan
Bakit mo ako sinukuan
Bakit may iba ka na
Bakit wala ng pag-asa
Ikaw ay tumitigtig sa aking mga mata
At napailing
Dahan-dahan binigkas
“Mahal, patawad, patawad di ko masagot ang iyong mga katanungan”
Hindi ko mawari kung anong dapat maramdaman
Kung anong pwede ipang langas
Sa sakit na naidulot mo
Kaya inaraw-araw ko ang pag-iyak
Hangang sa masanay

Isang tanghali naabutan ako ng aking inay
Umiiyak sa isang sulok
Dala dala ang mga alaalang iniwan mo
Dali-dali niya akong hinagkan
Kinulong sa mga bisig niya
Napatanong ulit ako
“Nay, Bakit kailangan natin masaktan”
At sa unang beses nabigyan ng sagot ang aking katanungan
“Anak, nagmahal ka dapat handa kang masaktan”


– Mahal,
Malaya. Malaya ka na. Malaya ka na at muling makakalipad

12/29/18